METRO MANILA – Ligtas na sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang unang Filipino crew member ng Diamond Princess cruise ship na nagpositibo sa COVID-19 noong February 5. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) gumaling na ito at nakalabas na ng ospital.
40 mga Pilipino pa ngayon ang inoobserbahan ng mga doktor sa Japan matapos magpositibo sa COVID-19. Ipinagutos na ng DFA ang agarang pagpapauwi sa nasa mahigit 500 Pilipino na nakasakay sa cruise ship.
Nakikipagugnayan na rin ang embahada ng Pilipinas sa Japan sa mga Japanese Authority at sa pamunuan ng Diamond Princess cruise ship para sa detalye at petsa sa gagawing repatriation sa lalong madaling panahon.
“Yan ang gusto nating mangyari isang batch lang although it can be one or two carrier but we would want na isang batch lang silang dadating na sabay-sabay” ani DOH public health service team, Asec. Maria Rosario Vergeire.
Ang mga uuwing Pinoy mula sa cruise ship ay muling isasailalim sa 14 days quarantine pagdating ng mga ito sa Pilipinas. May tukoy na rin na quarantine facility ang DOH pero hindi muna sinabi ang eksaktong lugar.
“Sa ngayon gusto muna lang namin mai-coordinate ng maayos sa ating local governments and the communities na kasama natin doon.” ani DOH Public Health Service Team, Asec. Maria Rosario Vergeire.
(Dante Amento | UNTV News)
Tags: Coronavirus Disease