Inihalintulad ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Cory Quirino ang krimen sa paggamot sa isang sakit.
Aniya, hindi maiiwasan na magkaroon ng collateral damage kung nais mapagaling ang isang tao.
Kanina sa programang Get it Straight with Daniel Razon, sinabi ni Quirino na hindi solusyon ang pagpatay sa lahat ng mga kriminal kundi kailangan ng isang panibagong approach o diskarte upang masolusyunan ito.
Ani Quirino, naniniwala pa rin siya sa justice system ng bansa kung kayat mas mabuti na arestuhin ang mga kriminal at huwag patayin.
Sinabi ni Quirino na nais niyang iendorso kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isang paraan upang kahit papaano ay mawakasan ang krimen sa bansa.
Naniniwala si Quirino na isang paraan ng pagsugpo sa krimen kung maumpisahan na maialis ang lahat ng mga street children sa lansangan.
Magtatayo ang VACC ng shelter para sa mga street children upang malingap at mabigyan ng edukasyon ang mga ito.
Samantala, naniniwala naman si Quirino na kailangan buhayin ang parusang kamatayan sa Pilipinas.
Subalit kailangan munang maayos ang justice system dahil marami pa itong butas at hindi perpekto.
Ang magagawa muna sa ngayon ng grupo ay matulungan ang mga biktima ng krimen an lumalapit sa kanilang tanggapan.
Mayroon silang victims assistance desk, legal assistance at court watch para sa mga lumalapit sa kanila na humihingi ng tulong.
Nanawagan rin ang VACC para sa lahat ng gustong maging volunteer sa kanilang grupo.
Para sa mga interesado na sumali sa VACC, tumawag lamang sa kanilang hotline number 352-0174.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: krimen, Pangulong Duterte, VACC