Isang miyembro ng NPA sa Northern Samar sumuko na; mga natitirang rebelde sa Matuguinao, Samar binigyan ng ultimatum na sumuko

by Erika Endraca | February 5, 2021 (Friday) | 13777

Boluntaryong sumuko nitong Martes, February 2, ang isang red fighter ng New People’s Army sa Northern Samar Police Provincial Office.

Ayon kay PLTCOL Rafael Tabayan, Force Commander, kinilala ang surrenderee na si “Ka Ester” na kabilang sa SR-ARTIC na nagoopera sa mga bayan ng Mapanas, Gamay, at Lapinig sa Samar.

Isinuko din ni “Ka Ester” sa mga pulis ang isang kalibre 45 baril, magazine, at ammunition.

Ipinahayag ni Ka Ester sa mga pulis na sa loob ng anim na taon sa NPA, wala daw umanong nakitang mabuting naidulot ang kaniyang pagsali sa rebeldeng grupo bagkus ay naghirap pa ito, kaya minabuti na nitong sumuko sa mga awtoridad at kumalas sa tiwaling organisasyon.

Nakahanda naman ang lokal na pamahalaan na tulungan si Ka Ester na makabangong muli sa pamamagitan ng mga livelihood programs, at mga tulong pinansiyal na ipinagkakaloob sa mga rebeldeng magbabalik-loob sa gobyerno.

Samantala, binigyan naman ng ultimatum ni Matuguinao, Samar Mayor Aran Boller ang mga rebeldeng NPA ng hanggang February 15 upang sumuko sa mga awtoridad.

Sinabi ng alkalde na maari nilang gamitin bilang witness ang mga naunang sumukong dating rebelde upang matukoy ang mga natitira pang mga miyembro ng NPA na hindi susuko sa itinakdang ultimatum.

Liban sa pagsasampa ng kasong paglabag sa anti-terrorism act, ay maari din silang ideklarang persona non-grata sa kani-kanilang mga lugar.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: