Isang grade 12 honor student sa Cebu City, natulungan ng programang Serbisyong Bayanihan

by Radyo La Verdad | December 4, 2020 (Friday) | 4903

METRO MANILA – Nagsusumikap na makapagpatuloy sa pag-aaral ang grade 12 honor student na si Jennalyn Glien Dayondon mula sa Carcar City, Cebu sa kabila ng bagong sistema ng edukasyon ngayong may pandemya.

Isa siya sa mga mag-aaral sa ilalim ng modular learning system, kinakailangan pa niyang magtungo sa pinakamalapit na internet cafe para lang makuha ang kanyang mga aralin.

Walang kakayanan ang kanyang pamilya na maibili siya ng gadget na magagamit niya sa kanyang pag-aaral. Natigil ang kaniyang ina sa pagtitinda simula ng magpatupad ng quarantine restriction sa kanilang lugar. Hindi rin sapat ang kinikita ng kapatid na glass-door laborer upang mabilhan siya ng kanyang sariling tablet.

Kaya lumapit ang ina ni Jennalyn sa programang Serbisyong Bayanihan sa pag-asang matutulungang magkaroon ng sariling tablet ang kanyang anak.

Sa pakikipagtulungan ni Lai Aton Cuevas na isang virtual assistant lead ng Altitude Ads, ay hindi nabigo ang ina ni Jennalyn na mabigyang katuparan ang kahilingan nitong magkaroon ang anak ng magagamit niyang tablet sa kanyang pag-aaral.

Dahil dito, hindi na nahuhuli sa pagpapasa ng kanyang requirements si Jennalyn at lubos na nagpapasalamat ang kanyang pamilya sa natanggap nilang tulong na hatid ng programang Serbisyong Bayanihan.

(Joram Jeomeri Flores | La Verdad Correspondent)

Tags: