Isang eroplano ng Xiamen Air, sumadsad sa runway ng NAIA kagabi

by Radyo La Verdad | August 17, 2018 (Friday) | 3807

Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan, pasado alas onse kagabi ay lumapag ang Xiamen Air flight MF8667 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ngunit lumagpas ang gulong nito sa main runway dahilan ng pagsadsad ng eroplano sa madamong bahagi ng runway 06/24.

Agad na sinagip ng mga responding units ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang isang daan at limampu’t pitong pasahero nito kabilang ang walong flight crews sa pamamagitan ng lifting bag ng eroplano.

Dinala ang mga pasahero ng mga tauhan ng naturang airline katuwang ang MIAA sa NAIA terminal one. Binigyan ang mga ito ng kumot at pagkain at pagkatapos ay inihatid sa kalapit na hotel upang manatili hanggang bumalik ang operasyon ng Xiamen Air.

Iniimbestrigahan na ang insidente ng Aircraft Accident Investigating Bureau ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ayon sa MIAA, natanggal ang kaliwang makina at kaliwang gulong ng aircraft.
Nagkalat ang debris sa naturang runway bagaman target ng MIAA at CAAP na maialis sa lalong madaling panahon ang mismong eroplano.

Bunsod nito, sarado ang NAIA international runway 06/24 hanggang alas kwatro ng hapon ngayong araw. Sa ilalim ng normal na operasyon, dumadaan umano ang lahat ng international flights sa naturang runway.

Gayunpaman, hindi maaapektuhan ang lahat ng international flights dahil bukas ang domestic runway para sa mga international flights na may aircraft type na Airbus A320 o mas mababa pa.

Nag-abiso na rin ngayong umaga ang ilang airlines kaugnay ng pagkakansela ng ilang flights nito bunsod ng insidente.

Maaaring tumawag ang mga pasahero sa mga telephone numbers ng NAIA o ang hotline number nito na 8771111.

Tags: , ,