Nakipag-partner ang isang courier service na nakabase dito sa bansa sa Philippine National Police Highway Patrol Group upang makatulong sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko sa mga lansangan.
Magsisilbing Road Safety Marshall ang mga driver ng LBC Express Incorporated na rumoronda sa iba’t-ibang lugar sa bansa. Ibig sabihin, maaari nang paalalahanan ang mga kapwa nito motorista ukol sa batas trapiko.
Ayon sa PNP-HPG, magsisilbi rin ang mga itong force multipliers na magre-report sa mga kinauukulan ng mga aksidente na makikita nito sa lansangan o kaya naman ay ng mga krimen sa kalsada.
Bago sumabak sa pagiging road marshall, sumailalim ang mga ito seminar ng PNP-HPG kaugnay sa pagpapatupad ng mga batas trapiko at upang makasiguradong mangunguna ang mga ito sa pagsunod dito.
Noong Sabado, nagsawaga ng oath taking ang mga driver ng LBC sa Camp Crame, Quezon City at nilagyan ang mga saksakyan nito ng sticker na magpapatunay ng kanilang pagiging Road Safety Marshall.
Hinihikayat ng HPG ang iba pang pribadong sektor na makipagtulungan sa ganitong paraan upang makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa langsangan.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: Camp Crame, LBC, PNP-HPG