Isang Chinese national, nahulihan ng P6-M halaga ng hinihinalang shabu sa Cebu Int’l Airport

by Radyo La Verdad | July 21, 2016 (Thursday) | 3137

cebu
Inaresto ng customs police sa Mactan Cebu International Airport ang isang babaeng Chinese national matapos itong mahulihan ng mahigit apat na kilong hinihinalang shabu kahapon.

Kinilala ang suspect na si Zhou Liming, dalawamput pitong taong gulang.

Ayon sa mga otoridad, mula sa Xiamen, China ang suspect at dumating sa Cebu pasado alas onse ng tanghali na sakay ng Cathay Pacific Airways flight CX 921 mula sa Hongkong.

Nang idaan sa x-ray machine ang dala nitong maleta, napansin ng operator ang ilang pakete loob ng bag nito.

Isinailalim sa physical examination ng customs personnel ang maleta ng suspect at dito nakita ang isang plywood na nagsisilbing compartment kung saan nakatago ang mga pakete ng hinihinalang shabu.

Nasa 4.5 kilos ng nakumpiskang illegal drugs sa suspek na ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency ay tinatayang nagkakahalaga ng 6.2 million pesos.

Ayon sa suspect, hindi sa kanya ang maleta at ipinadala lamang ng kanyang pinsan.

Makikipag-ugnayan din ang awtoridad sa Chinese embassy upang ipaalam ang pangyayari.

(Gladys Toabi/UNTV Radio)

Tags: ,