Isang celebrity doctor at ship manning executive, pinaghahanap na ng mga otoridad dahil sa kasong paglabag sa SSS Law

by Radyo La Verdad | February 2, 2017 (Thursday) | 886


Sinalakay ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office at tauhan ng Social Security System Legal Department ang bahay ng celebrity doctor na si Joel Mendez sa Barangay Talipapa sa Novaliches, Quezon City kanina.

Layon ng operasyon na isilbi kay Dr. Mendez ang warrant of arrest para sa kasong paglabag sa SSS Law.

Ngunit mga empleyado lamang ang nadatnan sa bahay at nasa Cagayan de Oro umano ang doktor na ipinaaaresto dahil sa kabiguang mag-remit sa SSS ng kabuuang 1.8-million pesos na halaga ng kontribusyon mula noong 2011.

Binigyan pa umano ng pagkakataon ng korte para sagutin ang kaso subalit tila binalewala ito ni Dr. Mendez.

Bukod kay Dr. Mendez, bigo rin ang mga pulis na maaresto ang presidente ng isang ship manning agency na si Peter Nicholas Toundjis II na hindi umano nag-remit sa SSS ng kontribusyon ng kanyang mga empleyado na aabot sa walong daang libong piso mula noong 2002.

Ayon sa kapatid ni Toundjis, matagal na itong umalis sa kanilang bahay sa Barangay Pansol, Quezon City.

Sina Mendez at Tuondjis ay kapwa nasintensyahan ng 6 hanggang 7 taong pagkakakulong dahil sa paglabag sa section 22-a ng Republic Act number 8282 o ang SSS Law.

Muli namang nagbabala ang pamunuan ng sss sa mga employer na regular na i-remit ang lahat ng kontribusyon ng kanilang empleyado upang huwag maharap sa kaso.

Maaari namang magpunta sa sss branches o kaya ay mag-email sa member_relations@sss.gov.ph ang mga empleyadong may nais itanong o isumbong ukol sa SSS remmitances.

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

Tags: ,