Isang buwang libreng sakay sa MRT-3, epektibo na simula ngayong araw ; 4-car train, babyahe na rin

by Radyo La Verdad | March 28, 2022 (Monday) | 994

METRO MANILA – Nais i-promote ng pamahalaan ang mas pinabuting serbisyo ng Metro Rail Transit Line 3 matapos ang rehabilitation project nito noong Disyembre 2021.

Gayundin, hangad ng gobyerno na tulungan ang mamamayan sa mga isyu ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin kasabay ng oil price increase.

Kaya sa bisa ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, libreng makakasakay ang lahat ng mga pasahero ng MRT-3 simula ngayong March 28-April 30, 2022.

Hindi na kailangang magdala ng ID o anomang dokumento ang pasahero.

Para makapasok sa ticket gate at makasakay sa tren, kailangan pa ring gumamit ng mga valid stored value card o single journey ticket.

Ngunit wala namang mababawas sa card balance ng beep card ng pasahero o hindi ito sisingilin sa pagkuha ng single journey ticket sa ticketing booth.

Simula ngayong araw (March 28) din ay makapagsisilbi na sa mga pasahero ng MRT-3 ang 2 tren nito na may apat na bagon mula sa karaniwang 3-car train.

Kayang makapagsakay ng hanggang higit 1,500 passengers ang bawat 4-car train ng MRT-3.
Kaya naman pangako ng pamunuan ng MRT-3 ang mas ligtas at mas mabilis na serbisyo sa mga commuter.

Patuloy naman ang isinasagawang rehabilitasyon ng MRT-3 sa mga bagon nito para na rin sa pagbubuo ng mga 4-car train na babyahe sa naturang railway.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: