Umabot sa ikatlong alarma ang nangyaring sunog sa Casino Street, Barangay Palanan sa Makati City alas 10:00 kagabi.
Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection – Makati mabilis na tinupok ng apoy ang isang bahay at isang boarding house dahil gawa ang mga ito sa light materials.
Tumagal ang sunog ng mahigit 30 minuto at agad na naapula ito matapos magtulung-tulong ang sampung fire truck na rumisponde sa insidente.
Umabot naman sa P100,000 ang halaga ng ari-arian na naabo.
Ayon naman sa may-ari ng bahay na si Nelly Ocana, 79 anyos, tangka pa niyang apulain ang apoy ngunit mabilis itong kumalat na nagmula sa kisame ng kanyang bahay.
Ligtas naman silang nakalabas ng bahay ngunit wala na din silang narekober na gamit.
Pansamantala munang manunuluyan ang mga apektado residente sa kanilang pamilya at kapitbahay. (Reynante Ponte/UNTV Radio)