Umalis na ng Marawi City kanina ang 1st Infantry Batallion ng Philippine Army matapos ang halos limang buwang pamamalagi sa Marawi City upang makipagbakbakan sa mga miyembro ng Maute ISIS terrorist group.
Ang 1st Infantry Batallion ang unang batalyon na naipadala sa Marawi City mula ng sumiklab ang krisis sa lungsod. Isa ang nasawi habang 13 ang nasugatan sa grupo sa panahon ng kanilang pananatili sa syudad.
Naging susi ang naturang army unit sa pagkakaligtas sa 34 na hostage at nakarecover din ng mahigit sa 20 high powered firearms ng mga kalaban.
Tutuloy sa Fort Magsaysay ang naturang army batallion upang sumailalim sa pagsasanay para sa susunod nitong misyon, ang magbigay ng seguridad sa darating na ASEAN Summit sa Nobyembre.
Ayon kay Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Carlito Galvez, simula na ito ng gradwal na pagbabawas nila ng mga sundalo sa Marawi dahil halos tapos na ang krisis sa syudad.
Aniya, sapat na ang iiwan nilang pwersa sa lungsod para tapusin ang paghahabol sa mga kalaban.
Aminado naman ang pinuno ng 1st Infantry Batallion na ang Marawi crisis ang isa sa pinaka challenging na misyon na kanilang napuntahan dahil urban setting ang labanan.
Magkahalong saya at lungkot naman ang naramdaman ng mga sundalong umalis. Masaya dahil makakapiling na nila ang kanilang pamilya, pero malungkot dahil sa mga nagbuwis ng buhay at mga maiiwan pang mga kasama.
Bukod sa 1st Infantry Batallion ng Philippine Army, nakatakda namang umalis bukas ang isang batalyon ng marines sa Marawi City.
( Victor Cosare / UNTV Correspondent )
Tags: Marawi City, mga sundalo, umalis na