Inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa linggo ang isang bagyo na papangalanang Samuel. Namataan ito ng PAGASA kaninang alas tres ng madaling araw sa layong 2,310km sa silangan ng Mindanao. Taglay nito ngayon ang lakas ng hangin na 45km/h at pagbugso na aabot sa 60km/h. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20km/h.
Ayon sa PAGASA, posibleng sa Martes ay mag-landfall o tumama ang sentro ng bagyo sa Northern Mindanao o Southern Leyte.
Ang bagyong ito ay posibleng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa. Pinapayuhan ang mga residente sa Visayas at Mindanao na maghanda at magantabay sa mga anunsyo ng lokal na pamahalaan.
Samantala, nasa labas na ng PAR ang isang low preasure area (LPA) na namataan sa layong 435km sa kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.
Sa ngayon ay magdudulot pa ito ng kalat-kalat na mga pag-ulan sa Palawan at Western Visayas. May mahinang pag-ulan din sa Ilocos Region, CAR at Cagayan Valley dahil naman sa epekto ng amihan.
Good weather naman sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa subalit may posibilidad pa rin na magkaroon ng papulopulong pag-ulan.