Sinintensyahan ng anim na buwang pagkakakulong ng Sandiganbayan 2nd division si Armed Forces of the Philippines Colonel Noel Miano Brana dahil sa sexual harassment.
Kaugnay ito sa ginawang pambabastos ni Brana sa labingwalong taong gulang na si Blanchie Candy Alcazar, ang dating kaklase ng kanyang anak na nagtrabaho bilang part-time secretary ng opisyal.
Ayon sa Sandiganbayan, ginamit ni Brana ang kanyang pusisyon bilang amo ni Alcazar para pagsamantalahan ito.
Bilang isang ama ng kaklase ni Alcazar, dapat aniya ay nagpakita ng respeto si Brana.
Maliban sa anim na buwan na pagkakulong, pinagbabayad din ng dalawampung libong pisong danyos si Brana.
METRO MANILA – Nakakabahala kung tingnan ng Department of Education (DepEd) ang mga alegasyon ng sexual harassment laban sa 6 na guro sa Bacoor National High sa Bacoor, Cavite.
Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa usapin at pansamantalang inilagay sa “floating status” ang mga akusadong guro na hindi muna pinapangalanan at wala munang binigay na anomang trabaho sa mga ito habang hindi tapos ang paunang pagsisiyasat.
Tinanggal na ang mga orihinal na paratang na nai-post sa Facebook ngunit kumalat ang isang thread sa Twitter na naglalaman ng pagtatanong ng mga guro sa mga mag-aaral ukol sa kanilang sekswal na karanasan at paghikayat sa kanila sa isang sekswal na gawain.
Tiniyak ng DepEd na hindi nila palalampasin ang anomang uri ng pang-aabuso sa mga paaralan sa bansa.
Pinayuhan naman ni Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla ang mga biktima na magsampa ng pormal na reklamo sa Bacoor Schools Division Superintendent habang patuloy ang pagsubaybay sa usapin.
Samantala, isang guro naman sa Camarines Norte ang isinailalim sa administrative proceedings matapos tawaging “bruha, bobo, hayop” o nagdulot ng verbal abuse sa isang grade 5 learner na huling nakatapos ng kanilang aktibidad sa pagsusulat.
Nagbigay naman ng psychosocial interventions ang DepEd sa apektadong mag-aaral.
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)
Tags: DepEd, sexual harassment
MANILA, Philippines – Malapit nang maisabatas ang pagbabawal at pagpapataw ng parusa sa mga gumagawa ng iba’t-ibang uri ng pambabastos o sexual harassment sa mga babae at lalaki sa pampublikong lugar, opisina, eskuwelahan, at maging sa internet.
Base sa panukalang Safe Spaces Bill, bawal na ang catcalling, stalking, panghihipo, sexual jokes, mahahalay na komento sa social media, paninira sa pagkatao ng isang personalidad gamit ang kanyang picture o video, at maging ang paggawa ng mga meme na ngayon ay karaniwan nang nakikita sa social media.
Lahat ng mapatutunayang guilty sa catcalling o paninipol ay maaaring pagmultahin ng mula P1,000 hanggang P10,000 o makulong ng isa hanggang 30 araw.
May kaakibat namang parusang pagkakakulong ng hanggang anim na buwan o multang hanggang P100,000 ang panghihipo.
Habang ang anumang uri ng sexual harassment sa internet ay may parusang mula anim na buwan hanggang anim na taong pagkakabilanggo at multang P100,000.
Naisumite na sa Pangulo ang panukala para malagdaan at maging isang ganap na batas na ito.
Kapag naging ganap na batas, may layabilidad na rin ang mga school administrator at mga kumpanya sa oras na may mangyaring sexual harassment sa kanilang nasasakupan.
Samantala, magkakaroon na rin ng mga anti-sexual harassment officers ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tatanggap ng reklamo at magbabantay laban sa anumang uri ng pambabastos sa pampublikong lugar.
(Grace Casin | UNTV News)
Tags: Catcalling, Pambabastos, sexual harassment, Stalking
Nakangiti at bakas ang kasiyahan sa mukha ni dating Senador Jinggoy Estrada ilang minuto matapos ibaba ang hatol sa kaniyang matalik na kaibigan na si dating Senador Bong Revilla Jr.
Speechless daw siya sa pagkakataong ito matapos ilabas ang unang desisyon kaugnay ng pork barrel scam. Payo niya sa kaibigan na maglaan ng ‘quality time’ sa pamilya.
Isa si Estrada sa mga idinawit sa ten billion peso pork barrel scam. Subalit pansamantala itong nakalaya matapos payagan ng korte na magpiyansa ng 1.33 milyong piso.
Bukod kay Estrada, pinayagan din ng Sandiganbayan na makapagpiyansa ang kapwa akusado na si dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Ayon sa isang legal expert at dean mula sa San Beda College of Law na si Ranhilio Aquino, kahit parehong plunder ang kaso nina Revilla, Estrada at Enrile kaugnay ng pork barrel scam, hindi ito nangangahulugan na ang desisyon sa kaso ni Bong ay siya ring magiging desisyon sa kaso ng dalawang dating mambabatas.
Bukod dito, ipinaliwanag ni Dean Aquino na may mga pagkakataon na bagaman ‘not guilty’ ang sintensya ay pinagbabayad pa rin ng korte ang dating akusado sa civil liability nito, tulad ng kaso ni Bong na ipinasasauli ang P124 milyon.
Sa ngayon ay nililitis pa rin ang kasong pandarambong ni Jinggoy sa Sandiganbayan. Umaasa naman siyang ma-aacquit siya sa naturang kaso.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Sandiganbayan