Isa sa mga suspek sa pagkamatay ni Horacio Castillo III, nakabalik na sa bansa

by Radyo La Verdad | October 11, 2017 (Wednesday) | 8749

Balik Pilipinas na ang Aegis Juris Fraternity member na itinuturing na isa sa mga suspek sa pagkamatay ng UST law student na si Horacio Castillo III dahil sa hazing.

Alas onse quarenta ng umaga kahapon nang dumating sa NAIA Terminal 1 si Ralph Trangia kasama ang kaniyang inang si Rosemarie.

Tikom ang bibig ng binata paglabas ng paliparan at dumiretso na ito sa kanilang tahanan sa Quezon City.

Hindi ito sumama o nagbigay ng pahayag sa Manila Police District na sumalubong din dito upang hikayatin ito na makipagtulungan sa imbestigasyon sa kaso ni Atio.

Isa si Trangia sa mga sinampahan ng reklamong murder at paglabag sa anti-hazing law kaugnay sa pagkamatay ni Castillo.

Pero bago makapaglabas ng look out bulletin ang Bureau of Immigration noong September 20, nakaalis na ng Pilipinas si Trangia kasama ang kaniyang ina na nahaharap rin sa kasong obstruction of justice.

Sa ngayon, kailangan munang sagutin ni Trangia ang nakahaing reklamo laban sa kaniya sa DOJ.

Umaasa naman ang pamilya Castillo, na magsasabi ng totoo si Trangia at bibigyang-linaw ang mga sirkumstansya sa pagkamatay ni Atio.

Welcome development naman para kay Justice Secretary Vitaliano aguirre ang pagbalik bansa ng suspek.

Bukas ang Justice Department na gawin itong testigo sa krimen at magbigay ng seguridad kung hihilingin nito.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,