Isa sa mga suspek sa pagkamatay ni “Atio” Castillo, nagpadala ng surrender feeler sa MPD

by Radyo La Verdad | September 25, 2017 (Monday) | 2443

Kinumpirma ng Manila Police District na susuko na si  Antonio Trangia, isa sa tatlong suspek sa pagkamatay ng  UST law student na si Horacio Castillo III.

Ayon kay MPD Chief Senior Supt. Joel Coronel, inaasahan rin na iti-turnover ni Trangia ang sasakyang ginamit sa pagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital sa kanyang pagsuko.

Si Trangia, ay  miyembro ng Aegis Juris Fraternity, at may-ari ng pulang mitsubishi strada na ginamit sa pagdadala kay Castillo sa ospital.

Ayon kay Coronel, inaasahang magtutungo si Trangia sa MPD headquarters sa Maynila anomang oras ngayong araw.

Bukod kay Trangia, suspek rin ang anak ni Trangia na si Raplh na nakalabas na  ng bansa noong Biyernes. Ayon sa ulat nasa Chicago Illinois na si Ralph.

Samantala, nanatiling bukas ang burol ni Atio sa mga kaibigan at iba pang nais makiramay.

Ililibing si Atio sa Miyerkulas sa Santuario de San Antonio main church sa ganap na alas dos ng hapon.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,

3 hinihinalang mandurukot at holdaper na nambibiktima ng mga estudyante sa Maynila, arestado

by Radyo La Verdad | December 5, 2018 (Wednesday) | 14967

Nasakote ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang tatlong lalaking ito na suspek sa magkasunod na pandurukot at pangho-holdap sa dalawang estudyante sa Espanya Boulevard sa Sampaloc, Maynila kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Alvin Ramos, 23 anyos; Mark Wilson Casampol, 28 anyos at Alfred Mendoza, 37 anyos.

Nakita naman sa CCTV ang pagsunod ng dalawang suspek sa isa pang estudyanteng biktima na menor de edad, habang naghihintay ng masasakyan sa kanto ng P. Noval Street.

Nang pasakay na ang biktima ay sinabayan at inipit ito ng mga suspek at doon na umano dinukot ang cellphone ng estudyante.

Ilang sandali pa ay makikitang tila hinahanap na ng biktima ang kaniyang cellphone habang patay malisya naman ang mga suspek.

Matapos ang mga pangyayari ay agad humingi ng tulong ang mga biktima na nakatawag ng pansin sa mga rumorondang pulis.

Parehong cellphone ang nakuha sa mga estudyante bagaman hindi na narecover pa dahil tangay ng isa sa mga nakatakas na suspek.

Ayon pa kay Police Inspector Alombro, talamak ang robbery at holdap sa lugar kaya naman pinaiigting nila ang police visibility at pagroronda ng mga pulis sa lugar.

Itinanggi ng mga suspek ang panghoholdap at paggamit ng patalim bagaman inamin ng mga ito na dinudukutan lang ang kanilang mga biktima.

Nasa kustodiya na MPD ang mga suspek na mahaharap sa kasong robbery.

Patuloy pang tinutugis ng mga otoridad ang iba pang suspek at ang posibleng grupong kinabibilangan ng mga ito.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,

Mag-asawa at labing-isang taong gulang na anak, patay sa pamamaril ng hindi pa nakikilalang suspek

by Radyo La Verdad | November 23, 2018 (Friday) | 54822

Nabulabog ang mga residente ng Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril pasado alas onse kagabi.

Pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek ang tatlong magkakaanak habang magkakatabing natutulog ang mga ito sa loob ng kanilang bahay.

Kinilala ang mga ito na sina Romeo Ado Sr., ang asawa nitong si Christine Ado, at ang labing-isang taong gulang na anak na si Romeo Ado Jr.

Ayon sa mga otoridad, isang witness ang nakakita sa suspek na mag-isang naglakad papunta at paalis sa bahay ng mga biktima. Nagtanong pa umano ang suspek sa saksi bago mangyari ang krimen.

Ilang saglit pa ay hindi bababa sa walong putok ng baril ang narinig mula sa loob ng bahay pamilya Ado.

Nagtamo ang mga biktima ng mga tama ng baril sa ulo at iba pang bahagi ng katawan. Na-recover sa lugar ang mga basyo ng bala ng 9 mm pistol.

Suspetsa ng kaanak ng mga biktima, maaaring may kinalaman ang insidente sa iligal na droga. Bumuo na ng tracker team ang Quezon City Police District na tutugis sa suspek.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,

Mahigit P1M halaga ng marijuana, nasabat ng mga pulis sa 2 estudyante sa Maynila

by Radyo La Verdad | November 8, 2018 (Thursday) | 13885

Arestado sa isinagawang buy bust operation ng Manila Police District (MPD) sa Ermita, Maynila kagabi ang dalawang lalaking ito dahil sa pagbebenta ng marijuana. Kinilala ang mga suspek na si Mhar Vincent Ramos at Jeff Colorado.

Napag-alaman ng mga otoridad na nag-aaral sa isang pamantasan sa Maynila ang mga suspek at mga kapwa estudyante ang binibentahan nito ng marijuana.

Sa video na kuha ng mga operatiba, makikita ang transaksyon ng mga pulis na nagpanggap na buyer at ng mga suspek. Nang magpositibo ang transaksyon ay agad kumilos ang iba pang operatiba para mahuli ang mga suspek.

Na-recover sa dalawa ang nasa walong kilong marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng higit isang milyong piso. Kabilang sa mga nasabat ay ang ilang paketeng high grade na marijuanang inangkat pa sa ibang bansa.

Patuloy pang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga otoridad upang malaman ang supplier at kung sinu-sino ang pinagbebentahan ng marijuana ng mga suspek.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,

More News