Isa patay sa nasunog na residential area sa Pasig City

by Radyo La Verdad | January 1, 2018 (Monday) | 4562

Patay ang isang singkwentay otso anyos na lalake sa sunog na naganap sa Katarungan St. Caniogan Pasig City. Kinilala ang nasawi na si Elmer Lañora na naiwang mag-isa sa bahay.

Ayon kay City Fire Marshall Arturo Marcos, hindi na nito nagawang makalabas dahil sa lubhang hina ng pangangatawan. Sa tala ng Bureau of Fire Protection, umabot sa ikatlong alarma ang sunog na magsimula pasado alas diyes y medya ng gabi.

Alas dose sais ng umaga ng ideklarang fire under control at alas dose kinse ng ideklarang fire out ang sunog. Labing tatlong bahay ang tinupok ng apoy at labing limang pamilya ang apektado, pansamantala munang manunuluyan sa Rizal High School ang mga nasunugan.

Tinatayang umabot sa dalawang milyong piso ang halaga ng pinsala ng sunog.

Sa Caloocan, tinupok ng apoy ang mga cable wire ng Eastern Telecommunication sa E. Rose Street Sangandaan, Caloocan City pasado alas onse kagabi. Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, umabot lamang sa unang alarma ang sunog ngunit nasa tatlong milyong piso halaga ng cable wires ang nasunog.

Ayon sa nakaduty na empleyado, nakita niya na lang na may lumiliyab na kable ng kuryente at mabilis na kumalat ang apoy.

Sa Quezon City, naabo ang isang barracks ng mga construction worker sa brgy. Bagbag, Novaliches Quezon City.

Ayon kay Quezon City Bureau of Fire Protection Chief Senior Supt. Manuel Manuel, kwitis ang itinuturo ng mga nakatirang construction worker na pinagmulan ng apoy.

Mabilis natupok ng sunog ang barracks dahil gawa lamang ito sa light materials. Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at idineklara din itong fire out pagpatak ng alas dose kwarenta y sinco.

Tinataya namang nasa P50,000 ang kabuoang halaga ng mga ari-ariang natupok ng apoy.

Sa ngayon ay inaalam na ng mga otoridad kung sino-sino ang mga nagpaputok sa harapan ng barracks lalo pa’t bawal aniya ang magpaputok sa pampublikong lugar.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,