Isa pang pulis, iniimbestigahan na rin sa kasong robbery –extortion sa ilang Korean nationals sa Pampanga

by Radyo La Verdad | January 24, 2017 (Tuesday) | 1100

JOSHUA_ROBERRY
Kinumpirma ni Regional Director Police Chief Supt. Aaron Aquino na na-relieve na sa tungkulin ang pitong pulis na sangkot sa panibagong kaso ng robbery-extortion sa ilang Korean national sa Angeles, Pampanga.

Bukod sa pito ay mayroon pang isang pulis na kinikilala ang pulisya dahil ayon sa salaysay ng mga biktima ay walo ang pulis na nambiktima sa kanila.

Ayon kay Aquino nakunan ng cctv ng kapitbahay na pumasok ang mga pulis sa bahay ng Koreano.

Nagtungo umano ang mga pulis sa bahay upang ayon sa kanila ay magsagawa ng operasyon laban sa illegal na online gambling.

Pagdating sa bahay ay wala namang iligal na gawain ang mga dayuhan ngunit kinuha pa rin ng mga pulis ang kanilang mga golf set, mga sapatos, mga alahas at ilang gadgets. Bukod dito ay humingi pa umano ng 200,000 piso ang mga pulis.

Nangyari umano ang insidente noong Disyembre nang nakaraang taon at pinili ng mga dayuhan na humingi ng tulong sa mga opisyal ng embahada ng South Korea sa Pilipinas, sa halip na sa pulisya dahil mismong mga pulis umano ang sangkot.

Sa kasalukuyan ay nakauwi na ng South Korea ang mga nabiktimang Korean nationals.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: ,