Isa pang Pinay Domestic Worker sa Hong Kong, isinailalim sa quarantine matapos mag positibo sa 2019 nCoV-ARD ang amo nito

by Erika Endraca | February 6, 2020 (Thursday) | 1413

Walang dapat ipangamba dahil nananatiling malusog ang Ikalawang Filipina domestic worker na napaulat na sumailalim sa quarantine sa Hong Kong matapos ang exposure sa kaniyang employer na nagpositibo sa deadly 2019 Novel Coronavirus-Acute Respiratory Syndrome. Ito ang kinumpirma ni Philippine Consul General Raly Tejada sa UNTV News Hong Kong team.

Ayon sa diplomat, healthy naman ang OFW at walang pinapakitang sintomas ng nCoV subalit dahil sa mahigpit na protocol ng Hong Kong, kinakailangan itong sumailalim sa 14-day stay sa isang quarantine camp (QC). Wala rin aniyang test na isasagawa sa kaniya subalit i-momonitor ang kaniyang temperatura araw-araw.

Kung wala ring nCoV symptoms sa pinay domestic helper makalipas ang 14 na araw, makakalabas na siya sa QC subalit kung magkaroon siya ng lagnat at iba pang sintomas, ipapadala siya sa ospital para sa follow up treatment.

Nilinaw din ni ConGen. Tejada na hindi pasyente ang naturang OFW kundi isang confinee. Batay sa mga ulat, ang naturang domestic worker ay empleyado ng 39-year old na lalaki, ang Ika-13 kumpirmadong kaso ng nCoV sa Hong Kong at unang Novel Corona Virus casualty sa  HK.

(Ferdie Petalio | UNTV News Hongkong)

Tags: