Isa pang opisyal ng pamahalaan, aalisin sa pwesto ni Pangulong Duterte dahil sa katiwalian

by Radyo La Verdad | November 27, 2018 (Tuesday) | 5583

Sa kaniyang talumpati sa kick off ng bulk water supply project construction sa Davao City kagabi, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa pang opisyal ng pamahalaan ang aalisin niya sa pwesto dahil sa katiwalian.

Bago ito ay una nang inalis sa pwesto ni Pangulong Duterte si dating Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Secretary General Atty. Falconi Millar dahil rin sa korupsyon.

At bagaman pinabulaanan ito ng dating opisyal, kahapon ay sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo na may matibay na ebidensya ang Pangulo na nangikil ng pera sa isang kumpanya si Attorney Millar.

Batay aniya sa sumbong na idinulog ng isang kumpanyang katransaksyon ng HUDCC, dalawang beses na tininangka ni Millar na kikilan ang mga ito.

May malaking bayarin umano ang HUDCC sa naturang kumpanya subalit hindi pa naire-release ang pondo.

Nanghingi umano si Millar ng malaking halaga kapalit ng pagpapabilis ng proseso upang mai-release ang pambayad sa kanila.

Imbes na kunsitihin, nagdesisyon ang kumpanya na isumbong sa Malacañang si Millar.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,