Dalawampu’t anim (26) na 40 footer container van na pinagsusupetsahang naglalaman ng smuggled na asukal ang kinumpiska ng bureau of customs sa manila international container port.
Subalit sa isinagawang inspeksyon ng BOC Intelligence Group kanina, lumabas na 21 container van lang ang naglalaman ng asukal habang ang 5 ay pawang bigas ang nakasilid.
Nakapangalan sa Rainbow Holdings Incorporated ang shipment na pumasok sa bansa ng 4 na batch mula noong July 16 hanggang July 22.
Galing Hongkong ang shipment ng asukal habang sa China nagmula ang mga bigas.
Subalit minarkahan ang mga sako ng bigas na galing ang mga ito ng Cagayan de Oro City.
Idineklarang bitumen, isang oil based substance na ginagamit sa road construction at water proofing ang laman ng mga container van.
Aabot sa 40 million pesos ang halaga ng shipment.
Ito na ang ikatlong batch ng smuggled sugar na nasabat ng intelligence group ng BOC sa Manila International Container Port.
Noong Hulyo, 24 na container vans ng puslit na asukal ang nakumpiska ng IG.
Noong nakaraang linggo 15 container vans din ng smuggled sugar ang nasabat ng ahensya.
Aabot na sa 39,000 sacks o 2,000 tonelada ng smuggled sugar ang nakukumpiska ng BOC mula Hulyo at aabot ang halaga sa 95 milyong piso.
Tumanggi naman si BOC intelligence group Chief Jessie Dellosa na banggitin kung sino sa kawanihan ang kasabwat sa pagpupuslit ng asukal.
Una nang sinabi ni Dellosa na posibleng may mataas na opisyal sa BOC na kasabwat sa iligal na gawain kaya malakas ang loob ng mga smuggler na magpasok ng malaking volume ng smuggled sugar.
Ngunit para sa Sugar Anti Smuggling Organization dapat magpaliwanag ang pinuno ng BOC kung bakit biglang tumaas ang kaso ng sugar smuggling sa pag upo niya sa pwesto.(Victor Cosare / UNTV News)
Tags: BOC Intelligence Group