Ipinatutupad na Alert Level System sa Metro Manila, may naipakikita nang magandang epekto – MMDA Chairman Abalos

by Erika Endraca | September 27, 2021 (Monday) | 3322

METRO MANILA – Umaasa si MMDA Chairman Benhur Abalos Jr. na maibababa na sa alert level 3 ang pilot implementation ng bagong lockdown system sa metro manila.

Bunsod ito ng patuloy na pagbaba ng naitatalang kaso ng covid-19 sa rehiyon at iba pang nakikitang positibong epekto ng covid-19 response

“Marami kasing ibang factors na kinokonsidera diyan. But if we’re going to go through yung active cases na kino-cinompile ng local government units, medyo pababa na rin. Coming from a peak of 40,000, naging 38, 39, 36 et cetera. Tapos yung mismong growth rate of the virus, malaki ang binaba, even the production rate.” ani si MMDA Chairman Benhur Abalos Jr.

Para kay Abalos, sa ngayon ay nakakakita na ng magandang resulta ang ipinatutupad na alert level system na may kasamang granular lockdowns sa kapitolyo ng bansa.

Nakatutulong aniya ang sistemang ito hindi lang para sa kalusugan ng mga mamamayan partikular na sa pagpigil sa lalong paglaganap ng covid-19 kundi pati na rin sa aspeto ng ekonomiya.
“’Miski papaano, gumaganda ang economy mo and, of course, the mall is open, the better for everyone. But and maganda sa nakikita natin ngayon na nangyayari, yung disiplina ng bawat isa, hindi nawawala. Nakikita na ang mga tao disiplinado, naka-mask sila unang-una.” ani si MMDA Chairman Benhur Abalos Jr.

Sa isang panayam, sinabi naman ni Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing na posibleng i-extend ang pilot testing ng alert level system sa NCR hanggang Oktubre.

Sakali namang ipatupad na rin ito sa iba pang bahagi ng bansa, posibleng simulan muna ito sa mga matataong lugar.

Kailangan lang aniyang baguhin ang ilang probisyon sa guidelines ng naturang sistema.

Inaasahang magbibigay ang Department of Health ng assessment kaugnay sa pagpapatupad ng alert level system sa katapusan ng Setyembre.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,