Ipinapadalang pasalubong ng mga Overseas Filipino Workers dapat ilibre na lang sa customs duties ayon sa isang senador

by Radyo La Verdad | December 18, 2015 (Friday) | 2536

MERYLL_MARCOS
Iginigiit ng isang senador na ilibre na lang sa customs duties ang mga padala o pasalubong ng mga Overseas Filipino Workers. Ayon kay Senator Bongbong Marcos Jr. nakapaloob umano sa Section 2 ng Senate Bill No. 3033, o ang “Duty-Free Padala/Pasalubong Act of 2015” na ang goods, articles, personal items at ilang katulad nito na itinuturing na padala o pasalubong ay dapat na i-exempt sa pagbabayad ng custom duties.

Ayon sa senador,ang padala o pasalubong ay mga bagay na hindi ipinagbabawal ng batas na ipinapadala sa pamamagitan ng courier, postal service o mismong bagahe ng mga OFW para sa personal na gamit ng kanyang pagbibigyan dito sa Pilipinas at hindi para ikalakal o ibenta.

Dagdag pa ni Marcos na ang bawat ‘balikbayan box’ ng OFW ay katumbas na rin ng isang ‘love letter’ sa kanyang asawa at buong pamilya at ang mga bagay na nasa loob nito ay may kasamang pagmamahal.

Ayon pa kay senador, ang halaga ng balikbayan box ay hindi lamang ang nilalaman kundi ang sakripisyo ng OFW at ang damdamin na kaakibat nito.

“By the grant of additional exemption from import duties upon the reasonable packages that the OFWs will send with love to their families in the Philippines, the government’s fiscal incentives package for OFWs comes full circle,” pahayag nito.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)

Tags: ,