Ipatutupad na umento sa sahod sa mga mangagawa sa Metro Manila, hindi bababa sa 20 piso – DOLE

by Radyo La Verdad | September 27, 2018 (Thursday) | 5183

Posible nang maisapinal sa susunod na buwan kung magkano ang ipatutupad na dagdag sweldo ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi bababa sa dalawampung piso ang ipatutupad na umento sa sahod sa mga minimum wage earner sa Natioanl Capital Region (NCR).

Subalit para kay Vic Arañes na isang construction worker at mayroong apat na anak, kulang na kulang pa rin ang dalawampung piso, lalo’t napakamahal na aniya ng mga bilihin.

Ayon kay Alan Tanjusay, ang tagapagsalita ng ALU-TUCP, sakaling matuloy ang sinasabing dalawampung piso na umento sa sahod, iaapela nila ito sa wage board.

Batay sa orihinal na petisyon ng grupo, 320 piso ang inihihirit nilang dagdag sahod para sa mga mangagawa sa Metro Manila.

Subalit paliwanag ng DOLE, kinakailangan rin nilang ikonsidera ang lahat ng aspeto na makaka-apekto sa lahat ng sektor pagdating sa pagpapatupad ng wage increase.

Sa pagtaya ng DOLE, posibleng madesisyunan ang eksaktong halaga ng umento sa sahod sa ikatlong linggo ng Oktubre.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,