Walang natatanggap na banta sa seguridad ang Armed Forces of the Philippines kaugnay ng magaganap na prusisyon sa Maynila sa January 9.
Ngunit sa kabila nito, magpapakalat pa rin ang AFP ng mga tauhan sa paligid ng Maynila at maglalagay ng signal jammer sa mga dadanan ng prusisyon bilang bahagi ng ipatutupad na seguridad.
Magpapatupad rin ang AFP ng No Fly Zone sa Maynila, kaya maging ang mga drone ay hindi papayagang makalipad.
Babantayan naman ng Philippine Coast Guard ang Manila Bay at Pasig River, partikular na sa Jones Bridge.
At ang sinumang sadyang tatalon sa ilog ay kanilang huhulihin.
Ayon naman sa Manila City Hall, ipagbabawal nila sa mga kalsada ang paglalagay ng garbage cans;
tatakpan rin ang mga manhole sa kalsada upang huwag itong magamit sa paglalagay ng explosive devices.
Umaabot sa 175 na ambulansya mula sa ibat ibang lgu ang ipapadala sa Maynila.
Samantala, paalala naman ng Metro Manila Development Authority sa mga motorista na iwasan munang pumunta o dumaan sa Maynila sa araw ng prusisyon upang huwag maipit sa mabigat na daloy ng trapiko.
Maging ang mga buntis, may kapansanan at mga bata ay pinapayuhan rin na huwag nang pumunta sa Maynila dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga tao.
Sa ngayon ay sinimulan nang linisin ng Manila City hall ang mga bangketa sa paligid ng Quiapo.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: inilatag na ng mga otoridad, Ipatutupad na seguridad at mga dapat iwasan sa prusisyon sa Quiapo sa Jan. 9