Mabagal ang internet connectivity sa Pilipinas kung ikokompara sa ibang mauunlad na bansa dahil sa 35.03 megabytes per second (MBPS) lamang ang average mobile download speed sa bansa, halos kalahati ito ng global average na 63.15 MBPS. Batay ito sa report ng network intelligence provider na ookla.
Sa ookla speed test global index rankings, 58th ang Pilipinas sa 182 countries sa fixed broadband connection speed. Samantalang 91st naman ang bansa sa 141 countries sa usapin ng mobile data.
Kaya naman inaasahang mas bubuti na internet connectivity sa Pilipinas sa oras na magsimula na ang serbisyo ng Starlink.
Kapag may Starlink na, inaasahang papalo ang average download speed ng Pilipinas sa pagitan ng 100 at 200 MBPS.
Tinatayang magiging available ito sa publiko sa 4th quarter ng taong ito.
May 20, 2022 nang pagkalooban ng certificate of accreditation bilang satellite systems provider and operator ng Department of Information and Communications Technology ang Starlink Internet Philippines.
Ang starlink ay isang system of low orbit satellites mula sa kompanyang Space X ni Elon Musk. Available na ang serbisyo nito sa mahigit tatlumpung bansa partikular na sa North America at Europe.
Malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng high speed internet lalo na sa ekonomiya.
Batay sa pag-aaral ng Ericsson, Arthur D. Little at Chalmers University of Technology, malaki ang nai-aambag sa paglago ng ekonomiya ng mabilis na broadband speed.
Sa research na ginawa sa tatlumpu’t tatlong organization for economic and development countries, 0.3 percent ang inilalago sa gross domestic product ng bansa sa pagdo-doble ng broadband speed.
Ayon sa ulat ng We Are Social at Hootsuite’s Annual Digital 2022, ang Pilipinas ang may pinakamataas na porsyento ng internet users na nanonood ng vlogs kada linggo sa 60.4 percent. 51.4% naman ng internet users sa bansa, naka-follow sa influencers sa social media.
Kaya naman malaking tulong para sa social media businesses ang pagpasok sa Pilipinas ng US based Starlink.
Ayon sa Cerexio isang USA based technology think tank, malaki ang maitutulong ng Starlink sa ekonomiya at iba’t ibang negosyo gaya ng stock market at finance, video conferencing, online gaming, maritime, aviation, supply chain, warehousing atbp dahil sa bilis ng communication nito.
Inaasahan naman ng Starlink na maco-cover ng serbisyo nito ang buong mundo sa 2024.
(Clyne Singca | UNTV News)