International Conference of Information Commisioners sa taong 2023, idaraos sa Pilipinas

by Radyo La Verdad | June 29, 2022 (Wednesday) | 605

METRO MANILA – Inanunsiyo ng secretariat ng International Conference of Information Commissioners (ICIC) ang pagpili sa Pilipinas bilang host sa gaganaping pagpupulong sa taong 2023 pagkatapos ng naganap na conference sa Puebla City, Mexico noong June 25.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na napili ang isang bansa mula sa South Asia upang maging host ng nasabing kumperensiya.

Matapos suriin ng Evaluation Committee ang mga aplikasyon ng bansang nagnanais na maging host ng conference, idineklara ni National Institute of Transparency, Information Access, and Personal Data Protection (INAI) Commisioner Adrian Alcala na pasok ang Pilipinas sa pamantayan, kung saan kabilang dito ang kakayahan ng bansa na magsagawa ng mga event, lugar na pagdarausan nito, at accomodation ng mga dadalo sa nasabing conference.

Ikinatuwa ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary at Freedom of Information Program Director Kristian Ablan ang nasabing anunsiyo at kaniyang tinatanggap ang magiging bahagi ng Pilipinas sa pagsasagawa ng conference.

Tiniyak aniya na magiging makahulugan at memorable ang karanasan ng mga dadalong delegado mula sa iba’t ibang bansa sa isasagawang taunang pulong ng ICIC sa 2023.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)