International arrivals sa NAIA, patuloy na binabantayan kung may sintomas ng Coronavirus

by Erika Endraca | January 24, 2020 (Friday) | 27821

METRO MANILA – Nakatutok ang mga kawani ng Department Of Health (DOH) partikular ang Bureau Of Quarantine sa mga inbound passengers mula sa ibang bansa na dumarating dito sa Ninoy Aquino International Airport  (NAIA).

Bukod sa thermal scanners ay inoobserbahan din ng mga quarantine personnel ang mga pasahero sa international arrivals kung may sintomas ang sinoman ng bagong strain ng Coronavirus na mula sa Wuhan China.

Ilan sa mga sintomas nito ay ang ubo, sipon, lagnat, trangkaso, at hirap sa paghinga.

Pagkadala sa opisina ng Bureau Of Quarantine ay saka lang pasasagutin ang pasahero ng health declaration checklist.

Inilalagay sa Yellow form ang impormasyon ng pasahero kabilang ang mga pinanggalingan nitong lugar, mga nakasalamuhang tao, at iba pa. Ginagamit ito upang madaling ma-trace ang posibleng infected na pasahero at mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Naghihintay lang ang Bureau Of Quarantine ng utos mula sa DOH kung ipapatupad na ito sa lahat ng mga pasahero gaya noong naging laganap ang Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-COV) taong 2014.

Ang ilang bansa gaya ng ilang paliparan sa Estados Unidos at Australia, nagpapatupad ng expanded screening measures.

Sa NAIA ay hindi pa naman inoobliga ang paggamit ng face mask bagaman ilang mga pasahero na ang nagsusuot nito.

Mariin pa ring pinapayuhan ng DOH ang publiko ng good hand hygiene at umiwas sa mga taong may ubo o bumabahing.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,