Epektibo ngunit hindi mabusising paraan ng pagsisiyasat sa mga tao at gamit na dumaraan sa mga pantalan, ito ang nais magawa ng Philippine Coastguard at Philippine National Police sa Western Visayas para hindi makapasok ang mga iligal na kargamento at mga kontrabando sa rehiyon.
Kagaya na lamang noong Linggo ng gabi kung saan nasabat ng PNP sa Dumanggas Port ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng labing walong milyong piso. Ipinuslit umano ito ng maglive-in partner na sina Jose Albert Pinaga at Maebelle Belmonte mula pa sa Batangas.
Kaya naman ayon sa PCG, palalakasin nila ang ugnayan sa iba pang ahensya tulad ng PNP, Philippine Drug Enforcement Agency at local government units.
Isang Interagency Coordination System ang kanilang bubuuin upang mapaigting ang checkpoints sa mga pantalan. Hihingi din ng tulong ang PCG sa mga fishing vessel na maglagay ng kanilang sariling K9 at security personnel sa mga barko.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )
Tags: PCG, PNP, Western Visayas