No comment ang Commission on Human Rights sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituring na terorista ang Communist Party of the Philippines New Peoples Army pati ang pagbibigay ng babala laban sa mga tao o grupong sumusuporta sa mga ito.
Subalit ayon kay Angie Umbac, ang director ng Advocacy Division ng CHR, dapat ay maging maingat ang pamahalaan upang walang inosente ang madadamay.
Aniya, hindi dapat maulit ang umano’y nangyayaring extra judicial killings sa bansa kaugnay sa war on drugs ng pamahalaan.
Umaasa ang komisyon na paiigtingin pa ng Armed Forces of the Philippines ang intelligence gathering nito upang matukoy kundi sino talaga ang miyembro ng teroristang grupo at kung sinu-sino ang sumusuporta sa kanila.
Para naman kay Act Teachers Partylist Representative Antonio Tinio, ang proklamasyon ng Malakanyang ay magbubukas lamang ng daan sa mga trumped-up charges upang i-haras, takutin, patahimikin at ikulong ang mga kalaban ng administrasyon.
Nangangamba rin si Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas na dadami ang kaso extra judicial killings sa bansa laban sa mga pinaghihinalaang rebelde o taga suporta ng CPP-NPA.
Mas makabubuti naman para kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate na bumalik ang Duterte administration sa negotiating table kasama ang National Democratic Front upang malutas ang ugat ng armed revolution sa bansa.
( Abi Sta. Ines / UNTV Correspondent )