Intelligence at local governance, kailangang paigtingin – Sec. Lorenzana

by Radyo La Verdad | May 24, 2018 (Thursday) | 20083

Aminado si Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na dapat pang paigtingin o palawakin ang intelligence gathering and monitoring ng pamahalaan upang hindi na maulit ang nangyaring pananakop ng mga teroristang grupo sa Marawi.

Ayon sa kalihim, sa pamamagitan ng maayos na intelligence efforts, madaling mababantayan ang galaw ng mga kalaban at hindi basta-basta makakapasok sa isang lugar.

Aminado si Lorenzana na alam nilang may presensya ang mga terorista noon sa Marawi pero blangko ang mga otoridad sa kakayahan ng mga ito.

Kaugnay nito, sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dapat palakasin din ang local governance partikular sa Marawi City.

Mula sa mga barangay, kailangan na magkaroon ng pagkakaisa sa pagitan ng mga magkakalabang ethnic groups.

Samantala, bagamat napabalitang nagre-recruit ang ISIS-inspired Maute group ng mga bagong miyembro, hindi na ito ikino-konsiderang malaking banta sa ngayon ng Defense Department.

Tiwala naman si Philippine National Police Chief Police Dir. Gen. Oscar Albayalde na hindi makakaporma ang mga ISIS sleeper cell o mga undercover ng isis upang maghasik ng gulo sa bansa.

Ayon kay Albayalde, kumikilos rin ang intelligence group ng PNP upang mapigilan ang masamang balak ng mga ito.

Dagdag pa niya na maganda rin ang relasyon ng PNP sa mga Muslim community na nagbibigay ng impormasyon kung may banta sa seguridad ng bansa.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,