Insurance ng Uber sa pasahero limitado – LTFRB

by Radyo La Verdad | August 4, 2017 (Friday) | 2127

Pinabulaanan ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang naging pahayag kahapon sa senado ng kumpanyang Uber, kung saan sinabi nito na sakop pa rin sila ng Passenger Accident Management Insurance Agency o PAMI.

Ayon sa ahensya, sa ngayon ay miyembro ang Uber ng UCPB General Auto Passenger Insurance, kung saan mas limitado ang saklaw ng insurance ng mga pasahero. Ayon sa LTFRB, hindi sakop ng insurance ngayon ng Uber ang No Fault of Indemnity at ang all risk package.

Ibig sabihin kung out of line ang isang pampublikong sasakyan, o lasing at naka droga ang driver na naging sanhi ng aksidente, walang makukuhang bayad mula sa insurance company ang isang pasahero.

Mababayaran lamang ang isang pasahero, kung walang anumang pananagutan o nadamay lamang ang driver sa aksidente.  Dismayado naman ang ilang mananakay ng Uber dahil dito.

Sa ilalim ng Memorandum Order 2015-28 ng LTFRB o ang 3-year Enhance Personal Passenger Accident Insurance Program, 200-libong piso ang dapat na matanggap ng pamilya ng isang pasaherong namatay sa aksidente sa pampublikong sasakyan.

Habang nasa limang libo hanggang isang daang libo naman para sa anumang injury at disability.

Sa pagdinig na naganap noong Martes, binigyang-diin ng LTFRB sa Uber na sumunod at makipagtulungan sa ahensya, upang maisapinal na ang mga regulasyon at patakarang, magsasaayos sa operasyon ng mga TNVS.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,