Iniulat na nasawi dahil sa Bagyong Maring, umakyat sa 11 ; apektado ng bagyo sa 4 na rehiyon, halos 20,000 – NDRRMC

by Radyo La Verdad | October 13, 2021 (Wednesday) | 14714

METRO MANILA – Pinaka-naapektuhan ng bagyong “Maring” ang 4 na rehiyon sa bansa.

Batay sa ulat kahapon (October 12, 2021) ng NDRRMC, umabot sa mahigit 4,500 pamilya o katumbas ng halos 20,000 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa Cagayan Valley, Mimaropa, Caraga at Cordillera Administrative Region.

Umakyat naman sa 11 ang napaulat na nasawi, 7 ang nawawala at tatlo naman ang nasugatan.

Ngunit sa ngayon ay patuloy pa rin itong bina-validate ng NDRRMC.

Kabilang sa mga napaulat na nasawi ay ang 3 biktima ng landslide sa La Trinidad Benguet, 2 sa Itogon Benguet at isa sa Baguio City.

Ikinalungkot naman ng NDRRMC na sa kabila ng abiso at babala, ay may ilan pa rin sa ating mga kababayan ang hindi nakaligtas sa pananalasa ng bagyo.

“Iyon naman ay nakikita natin base doon sa forecast na ibinigay ng pagasa, yung mga lugar na sinasabi nilang malakas ang ibubuhos na ulan. Kaya mula kahapon ay ang dami nating naipadalang na mga emergency alerts and warning messages tungkol sa mga malalakas na pag-ulan.” ani NDRRMC Executive Director, Usec. Ricardo Jalad.

Sa tala naman ng Department of Agriculture (DA), tinatayang nasa P29.4-M ang kabuuang pinsalang naidulot ng bagyo sa mga pananim pangunahin na ang mga mais.

Habang nasa higit 1,000 magsasaka at mangingisda naman ang nawalan ng kabuhayan

Samantala, nangako naman ang NDRRMC na tutulungan ng pamahalaan ang mga pamilyang lubos na naapektuhan ng bagyong Maring sa bansa.

“Patuloy ngayon ang rapid damage and needs assessment ng ating Local Government Units, sa tulong na rin ng iba’t ibang ahensya–ng national government agencies–na nakakarating sa kanila–again itong mga response units natin. Sa ating mga kababayan, kayo po ay hindi pinapabayaan dito sa nangyari sa atin na kalunos-lunos, yung epekto ng severe tropical storm Maring.” ani NDRRMC Executive Director, Usec. Ricardo Jalad.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: ,