Initial testing ng paggamit ng virgin coconut oil sa COVID-19 patients, inumpisahan na ng DOST

by Erika Endraca | June 4, 2020 (Thursday) | 3653

METRO MANILA – Inaprubahan na ng ethics board ng University of the Philippines Manila ang pagsasagawa ng clinic trial sa mga pasyenteng may COVID-19 sa Philippine General Hospital, kung saan gagamitin ang virgin coconut na pangkontra sa Coronavirus Disease.

Sa online press briefing kahapon (June 3), inianunsyo ni Department Of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña na uumpisahan na ang initial testing ng paggamit ng vco sa mga pasyenteng may COVID-19.

“Ang good news po yung sa pgh which is for moderate and severe cases ay inaprubahan na finally ng ethics board ng up manila, so i am just waiting for the report that they have already started” ani DOST Sec. Fortunato Dela Peña.

Ayon sa DOST, 100 pasyenteng may COVID sa PGH ang isasailalim sa clinical trial.

50 sa mga ito ang bibigyan ng VCO sa loob ng 14 na araw at titignan kung magkakaroon ng maganda epekto sa kanilang kalusugan.

Habang ang natitirang kalahati ay hindi gagamit upang maikumpara ang kaibahan ng resulta ng pag-aaral.

Bukod sa PGH, ayon sa DOST naumpisahan na rin noong nakaraang buwan ang clinical trial sa Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna.

Subalit bigo ang mga eksperto na maabot ang 90 pasyente na inirekomendang sumailalim sa pagaaral, dahil sa anila’y mabagal na pagdating ng mga pasyente.

“What we did was to include the two other,shall we say hospitals or centers who have patients and fortunately,medical city has setup just two weeks ago a facility in Sta.Rosa and they agreed that they will participate” ani DOST Sec. Fortunato Dela Peña.

April 2020, nang ianunsyo ng DOST ang isasagawang pagaaral hinggil sa magandang epekto ng Virgin Coconut Oil sa mga pasyenteng may COVID-19.

Nilinaw naman ng DOST na target ng pagaaral na matukoy kung maaring magamit na supplement ang VCO ng isang tao upang makaiwas sa pagkahawa sa covid-19, at hindi para maging lunas sa nakakamatay na virus.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,