Nagsagawa ng kauna-unahang public consultation sa Manoc-Manoc Covered Court sa Boracay ang lokal na pamahalaan ng Malay upang ipakita ang inisyal na master plan ng gagawing rehabilitasyon sa isla.
Batay sa plano na binuo ng urban planner na Palafox Associates ang mga lubak-lubak at masikip na daan papunta sa beach ay palalawakin at ayusin. Lalagyan din ito ng mga bike lanes, pedestrian lane at planting strip.
Maglalagay naman ng monorail system sa mga maayos at maluwang na kalsada. Lalagyan din ng malawak na lugar sa harapan ng long beach at aayusin ang mga commercial establishment.
Ayon kay Malay Municipal Mayor Ciceron Cawaling, noong Enero pa lumagda sa isang kasunduan ang local government at Palafox Associates para sa gagawing rehabilitation plan ng Boracay.
Maari pa aniya itong magbago pagkatapos ng pitong buwan na pag-aaral. Hihilingin din nila ang suhestiyon ng publiko.
Sa isinagawang consultation, pangunahing inirekomenda ng mga residente ang pagsasa-ayos sa problema sa sewage at drainage system sa isla.
Muli pang magsasagawa ng public hearing ang lokal na pamahalaan bago maisapinal ang plano.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )