Inisyal na 200 motorista na hindi sumunod sa HOV policy sa EDSA, namonitor sa no-contact apprehension ng MMDA

by Radyo La Verdad | August 15, 2018 (Wednesday) | 2757

Sinimulan na ngayong umaga ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry-run ng high occupany vehicle (HOV) policy sa EDSA. Mahigipit ngayong binabantayan ng MMDA ang mga pribadong sasakyan na dumadaan simula EDSA North Avenue hanggang EDSA Magallanes.

Gamit ang mga CCTV camera na naka-konekta sa MMDA Metrobase o ang non-contact apprehension policy, isa-isang inirerecord ang plate number ng mga pribadong sasakyan na driver lamang ang nakasakay.

Bukod sa Metrobase, nakapwesto rin ang bulto ng mga tauhan ng MMDA sa may EDSA Guadalupe southbound at EDSA Cubao northbound lane para naman sa ground monitoring kung saan inililista ng mga traffic law enforcer ang plate number ng mga hindi sumusunod sa HOV policy.

As of 9:30am, nakapagtala na ang MMDA ng mahigit sa dalawang daang motorista na hindi sumunod sa HOV policy sa pamamagitan ng kanilang no-contact apprehension, habang ang bilang naman ng mga nasa ground ay kasalukuyan pa ring ikino-consolidate ng MMDA.

Nilinaw ng ahensya na dry-run pa lamang ang kanilang isinasagawa ngayon at hindi pa papatawan ng kaukulang parusa ang nga mahuhuling lumalabag.

Nagsimula ang dry-run ng HOV policy kaninang alas syete hanggang alas diyes ng umaga. Muli itong magre-resume mamayang alas sais hanggang alas nwebe ng gabi.

Tatatagal ang dry run ng HOV sa loob ng isang linggo at pagkatapos nito ay i-aassess ng MMDA ang epekto nito sa pagpapaluwag ng trapiko upang malaman kung itutuloy o ipagpapaliban ang implementasyon nito sa EDSA.

Kasabay nito ay ganap na ring umiiral ngayong araw ang pagbabawal sa mga provincial bus na dumaan sa EDSA tuwing rush hour.

Ang lahat ng mahuhuling lumalabag ay pagmumultahin ng mmda ng dalawang libong piso.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,