Muling nilinaw ng pambansang pulisya na hindi target ng kanilang operasyon ang mga tambay upang linisin ang mga kalye sa bansa.
Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, tanging ang mga lumalabag lamang sa mga local ordinances ang kanilang hinuhuli.
At upang maging malinaw na ito sa pulis lalo na sa publiko, naglabas ng guidelines ang PNP sa paghuli sa mga lumalabag sa ordinansa sa iba’t-ibang lungsod sa bansa.
Batay sa guidelines na ipinadala sa mga commanders sa ground, dapat pamumunuan ng unit commanders o chief of police ang operasyon, huhulihin lamang ang mga lumalabag sa batas o ordinansa gaya ng mga umiinom ng alak sa labas ng tahanan, naninigarilyo sa pampublikong lugar, pagala-gala na walang pang itaas na damit, nagka araoke ng lagpas sa itinakdang oras at mga menor de edad na lumalabag sa curfew.
Dapat ding may pakikipag-ugnayan sa mga local at barangay officials at dapat sundin ng mga pulis ang kanilang panuntunan sa bawat isinasagawang operasyon.
Ayon kay Gen. Albayalde, nais lamang ng PNP na gawin ang kanilang mandato na magkaroon ng maayos, tahimik at mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng bawat isa.
Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng PNP sa publiko na poprotektahan din nila ang karapatan ng bawat mamamayan.
Pero pangamba ng Commission on human rights dahil kahit na mayroon guidelines, kung hindi ito naiintindihan ng mga pulis, maaaring malabag pa rin ang karapatan ng mga inaaresto.
Aniya dapat laging paalalahanan ng PNP ang mga pulis na sundin ang kanilang mga panuntunan sa pag-aresto.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: menor de edad, pag-aresto, PNP