Inilabas na expanded SRP, mas tumaas ang presyo ng ilang produkto

by Jeck Deocampo | August 1, 2018 (Wednesday) | 15716

METRO MANILA – Inilabas na ngayong araw ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mas pinalawak na suggested retail price o expanded SRP.

Kumpara sa unang SRP, mas marami brands at produkto ang isinama sa listahan. Ayon sa DTI, masusi nilang pinag-aralan ang aplikasyon ng mga manufacturer na nagtaas ng presyo at siniguradong makatwiran ito.

Nag-ikot sa ilang supermarket ang grupong Laban Konsyumer upang masuri kung sinusunod ng mga ito ang suggested retail price.  Napansin ng grupo na tumaas ang presyo ng maraming produkto sa expanded SRP. Kabilang ang ilang brand ng sardinas at corned beef na nagtaas ng mahigit piso.

“Yung dinagdag sa listahan, mas mataas ang presyo sa dating srp. ‘Yun pa rin ang aming statement, wrong timing ang pag-issue ng expanded SRP,” ani ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Umaapela ang nasabing grupo sa DTI na repasuhin ang expanded SRP dahil mayroong mga produktong overpriced.

Samantala, nagbabala ang DTI sa mga tindahan na magtataas ng presyo ng higit sa SRP dahil maaari silang makasuhan ng profiteering at pagmultahin ng hanggang isang milyong piso.

 

(Ulat ni Mon Jocson/UNTV News)

 

Tags: , , , , ,