Inflation sa bansa noong nakaraang buwan, bumagal sa 1.7% – PSA

by Erika Endraca | September 6, 2019 (Friday) | 11109

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal ang inflation o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin noong Agosto sa 1.7%.

Mas mababa ito kumpara noong Hulyo na 2.4% at ang pinakamababa simula Oktubre 2016 na nakapagtala ng 1.8%. Mas mababa rin ito kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon na 6.4%.

Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, dahil ito sa mabagal na pagtaas ng presyo ng mga pagkain maging ng mga non-alcoholic na inumin.

Naging dahilan din umano ang pagbaba ng presyo ng langis at ng bigas na siya aniyang pinakamababa sa taong ito simula nang maipatupad ang Rice Tarrification Law.

Ang pagbaba rin ng presyo ng bigas, kuryente at langis ang nakikitang dahilan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pagbagal na ito.

Dagdag naman ng BSP, patuloy na babagal ang inflation hanggang ngayong buwan at bibilis ng kaunti sa nalalabing 3 buwan ng taon.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,