Inflation rate sa bansa nitong Nobyembre, bumaba sa 6% mula sa 6.7% noong Oktubre

by Radyo La Verdad | December 5, 2018 (Wednesday) | 10260

Mula 6.7% noong Oktubre, bumaba sa 6% ang inflation rate sa bansa nitong Nobyembre batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa National Capital Region (NCR), mula 6.1% noong Oktubre, bumaba ang inflation sa 5.6%. Subalit nananatiling mataas ang antas nito sa Central Luzon at Bicol Region.

Kung ikukumpara sa year-on-year inflation rate noong Nobyembre 2017 na 3%, mataas pa rin ang naitalang 6% inflation rate ngayong taon. Subalit itinuturing ng Malacañang na good news ang pagbaba ng antas ng inflation nitong nakaraang buwan.

Ayon sa economic managers, resulta ito ng mga ginagawang hakbang ng Duterte administration. Batay sa pahayag ng economic managers, epektibo ang mga mitigating measure ng pamahalaan kaya bumagal ang year-on-year inflation tulad ng Administrative Order No. 13 na nagpapaigting sa importasyon ng agricultural products. Dapat anilang patuloy itong maipatupad at i-monitor.

Dagdag pa ng mga ito, kailangan ding matiyak ang timely arrival ng rice imports para tumbasan ang nawalang palay harvest sa third quarter ngayong taon.

Tiwala rin ang economic team ng administrasyon na mag-iistabilize pa sa susunod na mga buwan ang inflation sa bansa. Nananatili naman silang nakabantay sa upward pressures tulad ng paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Pagtitiyak naman ng Malacañang, nakatutok din ang pamahalaan sa pagmomonitor sa presyo ng mga pangunahing bilihin upang maiwasan ang hunger at food insecurity.

Pero para sa Makabayan Bloc sa Kamara, mataas pa rin ang 6% na inflation.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,