MANILA, Philippines – Bumaba pa sa 2.4% ang inflation noong Hulyo, base sa huling report ng Philippine Statistics Authority (PSA). Mas mababa ito kumpara sa 2.7% inflation rate noong Hunyo at 5.8% noong Hulyo ng nakaraang taon. Ito na rin ang pinakamababa simula noong Enero 2017. Pasok rin ito sa naging forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2 to 2.8%.
Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, pangunahing mga dahilan ng pagbagal ng inflation ang food and non-alcoholic beverages partikular na ang pagbaba ng presyo ng bigas at mais; housing; water; electricity; gas at iba pang uri ng langis; at transport. Bumaba rin ang inflation sa National Capital Region (NCR) sa 2.3%.
Samantala, pinakamababa naman sa Region 7 o ang Central Visayas na nakapagtala ng 1.1% habang pinakamataas naman sa rehiyon ng Mimaropa na may 4.9% na maaaring dahil umano sa mataas na gastos sa transportasyon.
Positibo naman ang BSP na magtutuloy-tuloy ang pagbaba na ito sa ikatlong bahagi ng taon at makakamit nito ang 3.0 % target range para sa taong ito at sa susunod na taon.
Samantala, tiwala rin Malacañang na matutuloy-tuloy pa ang pagbagal ng inflation. Ayon kay presidential spokesperson salvador panelo, patunay ito ng maigting na pagta-trabaho at strong political will ng Duterte administration. Makakaasa rin aniya ang mga consumer na patuloy silang magpapatupad ng mga polisiya para sa ikagiginhawa ng publiko.
(Harlene Delgado | Untv News)
Tags: BSP, inflation rate