Indonesian Maute fighter na nahuli sa Marawi, isinailalim na sa inquest proceedings

by Radyo La Verdad | November 3, 2017 (Friday) | 2122

Nasa kustodiya na ng PNP Criminal Investigation and Detection Group ang Indonesian Maute fighter na si Muhhamad Ilham Syaputra.

Dinala sa Camp Crame si Syaputra noong Miyerkules ng gabi upang sumailalim sa proper documentation at maihanda sa inquest proceedings.

Nakuha sa Indonesian ang ilang electronic gadgets gaya ng cellphone at tablet, ibat ibang currency ng pera gaya ng riyals, dirhams at Singaporean money.

Mayroon ding pitong piraso ng gold bracelets, isang 45 calibre pistol, fragmentation grenade, isang magazine na may pitong bala at isang passport na pagmamayari ni Khoirul Hidayat na isang Indonesian National.

Kahapon sinampahan na ng reklamong rebellion, illegal possession of firearms, possession of dangerous explosives at paglabag sa International Humanitrian Law si Syaputra sa Quezon City Prosecutors Office. Subalit hindi pa tukoy ng mga otoridad kung financier ng Maute ang Indonesian National.

November 2016 pa nasa Pilipinas ang Indonesian subalit hindi matukoy kung dito sa bansa ito nag-training.

Sa panayam ng mga otoridad, una ng sinabi ni Syaptura na mayroon pang nasa apat na pung Maute-ISIS members ang nasa loob ng Marawi City. Kasalukuyang tinutugis ng militar ang naturang mga terorista.

Samantala, kasalukuyan namang bineberipika ng PNP ang impormasyong may mga remnant o nalalabing kasama ng Maute-ISIS group na umano’y nanunuluyan sa kanilang kamag-anak sa Taguig City at nagpapalanong gumanti sa pamahalaan.

Hindi rin isinasantabi ng mga otoridad ang posibilidad na nagtungo ng Metro Manila ang ilang nakatakas na miyembro ng grupo sa kasagsagan ng bakbakan sa Marawi City. Matatandaang dalawa sa umano’y financier ng Maute-ISIS group ang nahuli dito sa Metro Manila.

Nakiusap naman ang PNP sa publiko na agad ipagbigay alam sa kanila kung sakaling makakakita ng mga taong kahina-hinala sa kanilang lugar, mas mainam na umanong maging maagap kaysa magsisi bandang huli.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,