Independent probe sa pagkamatay ng 17 anyos na si Kian Delos Santos, ipinanukala ni VP Leni Robredo

by Radyo La Verdad | August 21, 2017 (Monday) | 2595

Personal na bumisita at nakiramay si Vice President Leni Robredo sa burol ng 17-anyos na si Kian delos Santos sa Caloocan City nitong nakaraang Linggo.

Ayon sa mga pulis nanlaban ang menor de edad kaya napilitan silang paputukan ito ng baril, at ilang sachet din umano ng shabu ang nakuha sa biktima. Mariin namang itinatangi ng mga magulang at kaanak ng biktima ang alegasyon ng mga pulis.

Kaya naman sinabi ni VP Robredo na nais nyang magkaroon ng independent investigation sa kaso ni Kian upang hindi na umano mangyari pa sa iba pa ang sinapit ng binatilyo.

Ramdam umano ng pangalawang pangulo ang sakit na nararamdaman ng mga magulang ni Kian. Kaya naman batid nito ang lawak ng problema ng bansa sa ilegal na droga. Nanawagan ito sa administrasyon na pag-isipang muli ang estilong ipinatutupad nito.

Kasama ni VP Leni sa kanyang pagbisita ang National Chairman ng Free Legal Assistance Group, isang organisasyon ng mga Human Rights Lawyers.

Laking pasalamat naman ng mga magulang ni Kian sa simpatya na ibinigay ng pangalawang pangulo.

 

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,