Humingi ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Catanduanes sa Department of Justice sa pag-iimbestiga sa natagpuang shabu laboratory sa lalawigan.
Sa ipinadalang liham ni Catanduanes Governor Joseph Cua, hiniling nito ang pagkakaroon ng independent fact finding body na magsasagawa ng parallel investigation.
Ito ay upang matiyak na matitingnan ang bawat anggulo ng kaso at maging balanse ang imbestigasyon.
Nitong nakalipas na Sabado ng umaga, nadiskubre ng PNP-Virac Catanduanes ang shabu laboratory sa isinagawang raid sa inaakalang warehouse sa Brgy. Palta Small, Virac, Catanduanes.
Natagpuan dito ang mga aparato at kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu
Una nang sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation ang alegasyong sangkot sina Governor Cua, Virac Mayor Samuel Laynes at former NBI Director Eric Isidoro sa illegal drug trade sa lalawigan.
Bagamat nadawit ang pangalan, naniniwala pa rin ang gobernador na sa pamamagitan ng imbestigasyon ng PNP ay lalabas ang katotohanan.
Iginiit din ni Governor Cua na hindi niya personal na kilala si Jason Uy, ang Chinese national na sinasabing nangupahan sa ni-raid na warehouse.
Samantala nagpapatuloy naman ang manhunt operation ng PNP sa itinuturong operator ng nadiskubreng shabu laboratory sa Catanduanes.
(Allan Manansala / UNTV Correspondent)