Increased borrowings, posible kapag hindi naipasa ang ibang tax reform package ng Duterte administration

by Radyo La Verdad | July 25, 2018 (Wednesday) | 2313

Tila malamig ang ilang senador sa pagtalakay sa panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) package 2 o ang pagbaba sa corporate income tax mula 30% sa 25%t at i-rationalize ang tax incentives.

Ayon kay Senator Bam Aquino, mas mabuting solusyunan muna ngayon ng pamahalaan ang naging epekto ng implementasyon ng TRAIN 1.

Subalit ayon sa dating national treasurer at ngayo’y Education Secretary Leonor Briones, kung hindi susulong ang TRAIN law sa Kongreso, walang ibang opsyon ang pamahalaan kundi ipangutang ang mga planong programa at proyekto sa mga susunod na taon.

Sa revenue collection aniya nanggagaling ang malaking pondo ng kaniyang kagawaran para sa pagpapasahod sa mga guro, paggawa ng mga silid-aralan, pagbili ng mga libro at iba pa.

Ayon naman kay Budget Secretary Benjamin Diokno, maaapektuhan ang future budgets kung hindi maisabatas ang ibang tax reform package ng Duterte administration.

Dapat din aniyang ipasa ang ibang TRAIN packages ngayong taon dahil magiging abala na ang mga mambabatas sa 2019 midterm national elections.

Dahil kung hindi, kinakailangan nilang i-refile ang panukalang batas sa panibagong sesyon ng Kongreso.

Samantala, ayon naman kay Senador Juan Miguel Zubiri, personal niyang tinututulan ang tax reform package 2 dahil sa pangambang mag-alisan sa bansa ang mga negosyante dahil sa pag-aalis ng tax incentives.

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,