Incentives para sa pharmacists na lalahok sa Resbakuna sa Botika, pinag-aaralan ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | January 20, 2022 (Thursday) | 2921

Sisimulan na ngayong araw (Jan. 20, 2022) ng pamahalaan ang pilot implementation ng “Resbakuna sa Botika,” kung saan limang pharmacies sa Metro Manila ang pagdarausan na rin ng Covid-19 vaccination. Bukod pa dito may dalawa ring private clinics ang gagamitin para sa pagbabakuna.

“Bukas po Huwebes, January 20 at sa Biyernes January 21, magsisimula na po yung ating Resbakuna sa Botika at sa mga iba’t-ibang mga clinics. Simula muna dito sa NCR pero mabilis nating ie-expand yan sa iba’t-ibang mga lugar lalung-lalo na sa malalaking siyudad sa bansa, Luzon, Visayas at Mindanao. Ekslusibo muna ito para sa mga kababayan natin na magpapaturok ng booster dose,” pahayag ni Sec. Vince Dizon, Presidential Adviser for Covid-19 Response.

Kabilang sa mga botika at klikina na lalahok sa pilot implementation ang Mercury Drug, Watsons, The Generics Pharmacy, Generika, South Star Drug, Qualimed at Healthway.

Ayon kay Presidential Adviser for Covid-19 response Secretary Vince Dizon, ang mga pharmacist sa itinilagang mga botika ang siyang magbabakuna.

“’Yong mga pharmacists po natin ay ‘yan po ay mga qualified naman sila po ay dumaan na sa mga training kaya po sila ay importanteng dagdag sa ating vaccination program lalong lalo na sa kapanahunan ngayon na marami sa ating mga vaccinators sa LGU ang nagkakasakit,” dagdag ni Sec. Dizon.

Kaugnay nito, pinagaaralan ngayon ng pamahalaan ang posibilidad kung ano ang maaring ibigay na insentibo sa mga pharmacist na boluntaryong tutulong sa pagbabakuna.

Samantala, suportado ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) ang pilot implementation ng resbakuna sa botika at sinabing makakadadagdag sa pwersa ng vaccinators ang mga pharmacist.

Ayon sa PHAP, sanay na ang mga botika sa pagpapatupad ng health protocols tulad ng pagsusuot ng mask at social distancing
pero makatutulong pa rin ang PNP upang masiguro na nasusunod ang health and safety protocols sa isasagawang bakunahan.

Sisiguraduhin din ng mga botika na mayroong sapat na ventilation upang maiwasan ang hawaan ng Covid-19 sa mga magpapabakuna.

“I think at the start nandoon iyong PNP para masiguro iyong security. Iisa lang naman ang mga security guard ng mga iyan. Serbisyo naman po ito sa bayan, I think it will be good if the government will provide additional services such as security just to make sure na hindi sobra sobra iyong dagsaan ng tao kung sakali,” pahayag ni Dr. Beaver Tamesis, President, PHAP.

Una nang nilinaw ng pamahaalan na kinakailangang nakarehistro pa rin ang mga magpapabakuna sa mga botika at klinika.

Sa ngayon tiniyak ng pamahalaan na magiging available rin sa mga pharmacy at clinic ang lahat ng brand ng anti-covid vaccines, gayunman tanging booster shots lamang ang maaring ipaturok para sa mga pupunta sa botika, habang primary dose at booster shot naman ang available sa mga klinika.

Aileen Cerrudo | UNTV News

Tags: , ,