Sundalong inireklamo ng pang-aabuso sa Lanao del Sur, Inaalam kung nakararanas ng Marawi Combat Stress

by Radyo La Verdad | August 17, 2017 (Thursday) | 2950

Tinitingnan na ng Armed Forces of the Philippines kung nagkaroon ng combat stress si Corporal Marlon Lorigas. Siya ang sundalong inireklamo nang verbal abuse ng mga guro at estudyante ng Mindanao State University dahil sa masasakit na salitang sinabi umano nito sa mga mag-aaral nang pababain sa bus at paghubarin ng damit pang itaas sa isang checkpoint sa Marantao, Lanao del Sur.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, posibleng epekto ito nang matagal na pakikipagbakbakan sa mga terorista sa Marawi. Gayunman, sinabi ni Arevalo na hindi naman ito-tolerate ng AFP ang ginawa ni Lorigas dahil lumabag ito sa karapatang pantao lalo’t umiiral ang martial law. Bukod sa pag-alis sa pwesto ay sasampahan din aniya ito ng kasong administratibo.

Nilinaw naman ni Arevalo na mayroon naman aniyang programa ang AFP para sa mga sundalong sumasabak sa mahabang pakikipagbakbakan upang maiwasan ang katulad na insidente.

 

(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,