Impostor na kumukobra ng buwanang pensyon ng biyuda ng pulis, nahuli ng CIDG

by Radyo La Verdad | August 17, 2018 (Friday) | 3039

Walang kaalam-alam si Lola Haja Asmah Salapuddin Hassan na mayroon siyang pensyon na nasa 40,000 piso buwan-buwan.

Ito’y matapos na mamatay ang kanyang asawang pulis na may ranggong senior superintendent noon pang 2012.

Ayon sa CIDG-MCIU, kinokubra ng suspek na si Harija Abah ang pensyon na dapat matanggap ni Lola Haja.

Nagpanggap ang suspek na asawa ng namayapang pulis gamit ang mga pinekeng dokumento na isinumite sa PNP Retirement Benefits and Administration Service (PRBS) at AFPSLAI.

Paliwanag ng PRBS, bitbit ng suspek ang lahat ng kumpletong dokumento at authentic ito maliban sa litrato na ginamit pala ang mukha niya, maging sa mga ID na hawak nito.

Paliwanag ng pamangkin ng biktima, noong namatay ang asawang pulis ni lola, halos hindi ito umabot sa libing sa Zamboanga dahil sa layo ng bahay nito na nasa dulong isla sa Jolo, Sulu.

Agad aniyang kinuha ni Abah ang mga dokumento kay lola at nagpresintang aayusin ang pensyon nito.

Ang suspek aniyang si Haja ay registrar ng Zamboanga City at umano’y bihasang mameke ng mga dokumento. Depensa ng suspek, kapatid niya ang pulis at maging ang biktima.

Nahuli ng CIDG sa AFPSLAI ang suspek habang kinukuha ang kalahating milyong pisong ni-loan gamit ang pangalan ni Lola Haja.

Nahaharap ito sa kasong theft thru falsification of public/private documents at using fictitious name at concealing true name.

 

( Lea Ylagan / Correspondent )

Tags: , ,