Importer ng mamahaling sasakyan sa Maynila, inireklamo ng tax evasion ng BIR

by Radyo La Verdad | February 5, 2016 (Friday) | 1617

KIM-HENARES
Isang importer ng mga mamahaling sasakyan sa Maynila ang hinahabol ngayon ng Bureau of Internal Revenue at pinagbabayad ng mahigit apat na raang milyong pisong buwis.

Kinilala ni BIR Commissioner Kim Henares ang inirereklamong importer na si Ronnel Lampa de Guzman, may-ari ng Lucky Sea Trading sa Intramuros, Maynila.

Lumabas sa imbestigasyon ng BIR na umabot sa mahigit 700-million pesos na halaga ng mga branded na sasakyan ang inimport ni De Guzman mula 2012 hanggang 2013.

Ngunit hindi umano naghain ng anomang income tax return kaya’t inireklamo ito ng tax evasion ng BIR at pinagbabayad ng 420-million pesos na buwis kasama na ang mga interes.

Anim na tax evasion complaints pa ang isinampa ng BIR sa Department of Justice dahil sa sari-saring paglabag sa tax code ng bansa.

Mahigit 150-million pesos na buwis ang hinahabol ng BIR sa naturang mga kaso.

(Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , ,