Import permit accreditation ng Mighty Corporation, sinuspinde ng BOC

by Radyo La Verdad | March 16, 2017 (Thursday) | 2664


Suspendido na simula kahapon ang prebilehiyo ng Mighty Corporation na mag-import ng mga materyales at tobacco products.

Pinatawan ng preventive suspension order ng Bureau of Customs ang akreditasyon ng kumpanya dahil sa umano’y mga paglabag sa customs regulations.

Matatandaang noong mga nakaraang buwan, may nasabat ang BOC na sari-saring sigarilyo na may pekeng tax stamps sa warehouses ng Mighty Corporation sa Zamboanga City, General Santos City at San Simon, Pampanga.

May hawak din na ulat mula sa fiscal intelligence unit ng Department of Finance ang customs kaugnay ng undervaluation ng importasyon ng cigarette-manufacturing materials ng kumpanya na umaabot ng mahigit sa isang daang milyong piso.

Ayon sa BOC, kailangan ng masusing imbestigasyon sa isyu upang matukoy ang halagang dapat bayaran sa duties and taxes ng Mighty Corporation.

Noong January 2014 may inisyu na rin na preventive suspension order sa Mighty Corporation kaugnay ng customs bonded warehouse privileges.

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

Tags: , ,