Implementing Rules and Regulations ng Anti-Cybercrime Law, inilunsad na

by Radyo La Verdad | August 12, 2015 (Wednesday) | 1529

ASEC-SY2
Ipatutupad na nang buo ng pamahalaan ang kontrobersyal na Anti-Cybercrime Law matapos na pormal na ilunsad ang IRR o Implementing Rules and Regulations nito.

Isinama na sa IRR ang naging desisyon ng Korte Suprema na ipawalang-bisa ang ilang mga probisyon nito gaya take-down clause o ang pagpapasara ng isang website kahit wala pang utos ng korte.

Ayon kay Assistant Sec. Geronimo Sy, isusunod nila ang pagbuo sa investigation manual o ang panuntunan sa pag iimbestiga sa mga kaso ng cybercrime.

Ito’y dahil may pagkakaiba ang mga krimen na ginawa sa pamamagitan ng internet sa ordinaryong mga krimen.

Di gaya ng orinaryong krimen na hindi basta nawawala ang mga ebidensiya, madaling mabura o mawala ang ebidensiya ng isang cybercrime.

Kaya’t nangangailangan ito ng mabilis na pagkilos ng mga otoridad.

Kailangan din na eksperto at may kaalaman sa takbo ng cyberspace ang mga piskal at huwes na hahawak sa mga ganitong kaso.

Kaya’t patuloy ang pagsasanay sa kanila kung paano lilitisin ang ganitong mga krimen.

Sa datos ng PNP Anti Cybercrime Group, higit pa sa doble ang itinaas ng naitalang cybercrimes nitong nakaraang taon na umabot ng mahigit anim na raang kaso kumpara sa halong tatlong daang kaso lamang noong 2013.

Pinakamarami dito ang online scam, online libel, at harassment at pagbabanta sa pamamagitan ng internet.

Ayon kay Assistant Secretary Sy, inaasahan nilang tataas pa ang maitatalang bilang ng cybercrime dahil mas marami na ang may access sa internet at mas marami ang nakaaalam tungkol dito.

Mas maalwan din umano sa mga masasamang-loob na gumawa ng krimen gamit ang internet.

Kabilang sa prayoridad sa ngayon ng kanyang opisina ang pagtutok sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga menor de edad at kababaihan gamit ang internet;

Ang pagtugis sa mga sindikatong nasa likod ng sari-saring internet scams;

At ang seguridad laban sa mga nangha-hack at nanabotahe ng mga website.

Para sa mga biktima ng cybercrimes, maaaring magreport sa PNP-Anti Cybercrime Group, NBI-Cybercrime Division at sa DOJ Office of Cybercrime. (Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: ,